Nation

DEPED KINALAMPAG SA PAGPAPAGAWA NG MGA ISKUL NA WINASAK NG BAGYO

/ 21 March 2022

KINALAMPAG ni Senador Panfilo Lacson ang Department of Education na simulan na ang pagsasaayos sa elementary school buildings sa Nagtipunan, Quirino na winasak ng bagyo.

Sinabi ni Lacson na napag-alaman niya sa lokal na pamahalaan na ipinapasa sa kanila ng DepeEd ang pagpapagawa sa paaralan.

“Naidaing sa akin ni Governor Dax Cua na may problema ang eskwelahan, na hindi maipagawa, pinapasa raw ng DepEd sa local government unit. E wala naman sigurong pantustos ‘yung local government unit,” pahayag ni Lacson.

Tinukoy ni Lacson ang isang public school sa Barangay San Pugo, Nagtipunan.

Iginiit ng senador na may budget ang DepEd para sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng mga paaralan na tinamaan ng kalamidad.

Bukod pa ito sa pondo para sa last-mile school programs.

Nangako ang senador sa mga residente ng lugar na kakalampagin ang DepEd hinggil sa programa.

“Ipa-follow up po namin ito at ito’y hindi namin titigilan nang kaka-follow up hanggang sa magpadala sila ng maggagawa,” ani Lacson.