DEPED KINALAMPAG SA PAGBUO NG IRR SA BAGONG BATAS SA SCHOOL CALENDAR
PINAALALAHANAN ni Senador Francis Tolentino ang Department of Education na mayroon na lamang itong ilang araw upang balangkasin ang implementing rules and regulations para sa bagong batas hinggil sa school calendar.
Sa hearing ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nagpahayag ng pagkadismaya si Tolentino sa DepEd dahil ilang araw na lamang bago ang Agosto 19 ay hindi pa nailalabas ang IRR para sa Republic Act 11480 o ang batas na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo upang itakda ang pagbubukas ng klase nang lagpas sa Agosto.
Ipinaliwanag ni Tolentino na alinsunod sa batas, may 30 araw ang DepEd simula nang ilathala ang batas para sa pagbuo ng IRR na magtatapos sa Agosto 19 subalit mistula umanong binabalewala ito ng ahensiya.
“Hindi kayo nakatingin doon sa bagong batas dahil hindi ninyo pa ginagawa ang IRR at nakatali kayo doon sa August 24 (class opening) kaya tayo hirap na hirap,” diin ni Tolentino.
Nilinaw naman ni DepEd Undersercretary Tonisito Umali na mayroon na silang working IRR para sa batas at nagsimula na rin sila ng konsultasyon sa iba’t ibang sektor.
“Sana madaliin natin ito. Apparently nakalimutan ninyo, nakaligtaan ninyo in your rush to meet the August 24 deadline,” diin pa ni Tolentino.
Kinatigan naman ni Committee Chairperson Win Gatchalian ang pahayag ni Tolentino sa pagsasabing minadali ng Kongreso ang pagpasa ng batas upang makatulong sa DepEd kaya dapat sumunod ang ahensiya sa nilalaman nito.