Nation

DEPED KINALAMPAG SA DELAYED BENEFITS NG MGA GURO

/ 7 February 2021

MULING kinalampag ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang pamahalaan sa patuloy na pagkakabimbin ng pagpapalabas ng mga benepisyo para sa mga guro.

Tinukoy ni Castro ang Performance Based Bonuses para sa mga public school techer na delayed na ng tatlong buwan, gayundin ang Service Recognition Incentives na isang buwan nang naantala ang pagpapalabas at ang mabagal pa ring proseso sa Internet Allowance reimbursement mula noong Marso hanggang December 2020.

“Taon-taon na lang dinudulog ng ating mga pampublikong guro ang pagpapahirap at delayed na pagbibigay ng kanilang mga benepisyo tulad ng Performance Based Bonuses, Service Recognition Incentives at Internet allowances,” pahayag ni Castro.

“Teachers have been forced to shell out from their own pockets just to be able to perform their duties with the additional demands of the blended learning modalities for continuing education amid the Covid19 pandemic. Further delaying their rightly earned benefits especially at a time where prices of basic goods continue to soar is a huge insult to our education frontliners,” diin pa ng kongresista.

Muling ipinaalala ng mambabatas na batay sa Administrative Order No. 37, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng P10,000 SRI sa lahat ng government employees simula noong December 21, 2020 subalit ayon sa DepEd, batay sa kanilang savings ay P5,000 hanggang P6,000 SRI lang ang kanilang maibibigay bawat empleyado.

Pinuna rin ng lady solon ang hindi ma-reimburse na P300 monthly communications expenses ng mga guro dahil sa mga hinihinging requirement tulad ng Official Receipt na katunayan ng pagbili ng load ng guro.

“How can the Duterte administration impose online distance learning without providing its teachers allowances for communications and internet expenses? Tunay na pinabayaan na ng gobyerno ang edukasyon lalo ang ating mga kaguruan,” dagdag ni Castro.

“Kung napakabilis maglabas ng pondo pambili ng mga helicopter at fighter jets sa mga militar, anong dahilan bakit hindi kagyat at hindi maibigay nang buo ang benepisyo ng mga guro na napakaliit na nga kumpara sa mga ipinopondo para sa giyera at panunupil ng kapwa mamamayan?” dagdag pa ng mambabatas.