Nation

DEPED KINALAMPAG SA CNA INCENTIVE NG MGA EMPLEYADO

/ 28 February 2021

NANAWAGAN ang isang grupo ng mga non-teaching personnel sa pamunuan ng Kagawaran ng Edukasyon na bilisan ang pagproseso at pagpapalabas ng kanilang Collective Negotiation Agreement incentive.

Ayon kay Domingo Alidon, pambansang tagapangulo ng Department of Education National Employees’ Union, naisumite na nila ang lahat ng dokumento sa DepEd management kung kaya inaasahan nilang mareresolba agad ito.

“Panawagan natin sa management sana i- fastrack na ito ‘yung pagbibigay ng 2019 CNA incentive kung saan ang mga dokumento ay nandoon na po sa management, na-submit na po lahat at mayroon silang tinatawag na mga katanungan at clarification at ‘yun naman ay isa-isa nating sinagot,” sabi ni Alidon sa panayam ng The POST sa first quarterly meeting ng grupo nitong mga nakaraang araw sa Coco Mountain Resort sa Montalban, Rizal.

“Sana next week ay maayos na ang CNA incentive na ‘yan dahil ang field ay naghihintay na po sa insentibong ito. Long overdue na po ito, tingnan mo naman kung anong year na ngayon 2021 na pero ang pinag-uusapan pa lang natin dito ay 2019 CNA incentive. So, panawagan po namin sa management ay ito po ay bigyan ng pansin at sana po ay lalong mapadali pa ang pag-release nito sa ating mga empleyado,” dagdag pa ni Alidon.

Araw-araw, aniya, ay tinatanong siya ng kanilang mga miyembro para alamin kung ano na ang status ng nasabing insentibo at wala na siya halos maisagot dahil nasa management na ang bola at nasa kanila na ang desisyon kung kailan maire-release ito.

“In so far as DBM [Department of Budget and Management] is concerned ay mayroon naman pong pondo ‘yan, obligated naman po ‘yan, may SARO na at ‘yun ay naka-ready na nawa’y maintindihan po ito ng management,” sabi ni Alidon.