DEPED ITINANGGING MAY ‘POLITICAL PRESSURE SA PAGREBISA NG ARALING PANLIPUNAN CURRICULUM PARA SA GRADE 6
MARIING itinanggi ng Department of Education na may ‘political pressure’ sa naging hakbang nito na palitan ang terminong “Diktadurang Marcos” ng “Diktadura’ sa kurikulum ng Araling Panlipunan para sa Grade 6 students sa ilalim ng MATATAG curriculum.
“Wala pong ganoong pressure kahit kanino. Ito ay academic discourse na nakapaloob sa aming strand (curriculum and teaching strand),” sabi ni DepEd Bureau of Curriculum Development Director Jocelyn Andaya sa isang press briefing online Lunes ng hapon.
“It is an academic discourse that we always observe and follow as we review and revise the curriculum,” dagdag pa niya.
Tiniyak din ni Andaya sa publiko na walang historical revisionism sa nasabing hakbang.
“Hindi po iyan revisionism because ultimately and inevitably in the discussion of this it will always leave to kung sino ang magpapatupad nito. So, wala pong revisionism dito,” ani Andaya.
“Hindi po maaaring hindi banggitin ang pangalang Ferdinand Marcos Sr. sa pagtatalakay sa paksa ng diktadura. Kaya wala pong revisionism na nangyari dito at hindi naman natin papayagan ‘yun,” dagdag pa nya.
Kamakailan ay binatikos ng Alliance of Concerned Teachers at ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy ang hakbang na ito ng DepEd kung saan inakusahan nila ang kagawaran sa paglilihis ng kasaysayan o historical revisionism.