DEPED INIIMBESTIGAHAN NA ANG CABUYAO FIRE DRILL
NAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Department of Education sa ginawang surprise fire drill sa isang high school sa Cabuyao City, Laguna na nagresulta sa pagkakaospital ng 83 estudyante dahil sa dehydration at heat exhaustion.
NAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Department of Education sa ginawang surprise fire drill sa isang high school sa Cabuyao City, Laguna na nagresulta sa pagkakaospital ng 83 estudyante dahil sa dehydration at heat exhaustion.
“We want to get the details of what transpired and make improvements para maiwasan ‘yung (to avoid) incidents similar to what transpired yesterday [in] Cabuyao,” pahayag ni DepEd spokesperson Michael Poa sa isang briefing.
Ayon sa statement ng pamahalaang lungsod, nasa 2,121 estudyante mula Grades 8 hanggang 12 ng Gulod National High School-Mamatid Extension ang lumahok sa fire drill Huwebes ng hapon.
Sa pahayag ng Schools Division Office ng Cabuyao City, dalawang estudyante ang nananatiling naka-confine sa Cabuyao City Hospital habang ang iba ay na-discharge na hanggang noong Biyernes at nasa mabuti nang kalagayan.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DepEd-Calabarzon at SDO ng Cabuyao City sa school head at mga guro ng eskuwelahan para mabantayan ang kalagayan ng mga biktima.
“DepEd Regional Office IV-A and SDO Cabuyao City are collaborating with the school head and teachers of the concerned school to contact the 79 learners who were already discharged from the hospital to monitor their health situation,” ayon sa opisyal na pahayag ng SDO Cabuyao.
Magsasagawa rin ang Disaster Risk Reduction and Management ng psychological first aid sessions para sa mga estudyante sa eskwelahan.
Sinabi ng DepEd na nakikipag-ugnayan ito sa mga lokal na opisyal para magkaloob ng tulong pinansiyal sa mga biktima.
Nauna rito ay hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang DepEd na imbestigahan ang insidente.
Kumbinsido ang chairman ng Senate Committee on Basic Education na nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng administrasyon ng paaralan dahil sa pagbibilad sa mga estudyante sa ilalim ng araw sa gitna ng drill.
“Dapat tingnan ng Department of Education dahil mga estudyante at sa loob ng paaralan nangyari ‘yan…Kung may paglabag sa procedure, dapat may managot dahil ayaw nating maulit ‘yan,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa DWIZ Usapang Senado program.
Nilinw naman ni Gatchalian na mahalaga ang mga drill tulad ng fire drill at earthquake drill subalit dapat sumusunod sa mga tamang patakaran at polisiya.
“Meron tayong patakaran dyan at procedures at importante rin na ang kaligtasan ng mga bata ay laging kino-consider. Commonsense kung ibibilad mo ang isang tao sa ilalim ng araw ay talagang made-dehydrate siya at magkakaroon ng problema,” diin ni Gatchalian.
“Alam ko hindi iyan parte ng procedure ng DepEd at hindi iyan parte ng kahit anong drill. Dahil ang drill sa mga nakikita ko at nababasa ko, lalabas ka pupunta ka sa isang lugar na safe at babalik ka agad, hindi ka ibibilad,” dagdag pa ng senador.