Nation

DEPED HANDANG-HANDA NA SA PAGBUBUKAS NG KLASE SA AGOSTO 22

HANDANG-HANDA na ang Department of Education sa pagbabalik-eskwela sa Agosto 22.

/ 20 August 2022

HANDANG-HANDA na ang Department of Education sa pagbabalik-eskwela sa Agosto 22.

“All system go na po tayo sa opening of classes,” wika ni DepEd spokesperson Michael Poa sa joint press conference Biyernes ng umaga.

Ayon sa pinakahuling tala ng DepEd, nasa 23,037,922 learners na ang nakapag-enrol para sa taong ito habang 4,129,427 learners naman ang nakapag-enrol sa early enrolment ng kagawaran. Sa kabuuan, nasa 27 million learners na ang nakapag-enrol para sa taong ito.

“We are 96 percent to target which is 28.6 million,” ani Poa.

“Meron pa po tayong ilang araw hanggang August 22 para sa ating enrolment. Again hinihikayat po natin ang mga magulang, paulit-ulit po natin itong sinasabi, na i-enrol na ‘yung mga hindi pa nakakapag-enrol nilang mga anak para po maihanda na natin ‘yung ating mga paaralan base sa actual number of enrolled learners this year,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Poa na may 24,175 paaralan ang magsasagawa ng limang araw na in-person classes o 46 percent ng mga eskwelahan sa buong bansa.

Mayroon din, aniya, na 29,721 paaralan sa buong bansa na magsasagawa ng blended learning.

“But I have to remind you na ‘yung blended learning po natin is may in-person aspect din po sya—3 days initially and then 4 days thereafter,” ani Poa.

Dagdag pa niya, mayroon lamang 1,004 paaralan o 1.29 percent ang magsasagawa ng full distance learning.

Samantala, nasa 325 temporary learning spaces naman ang itatayo ng kagawaran sa mga lugar na nasalanta ng lindol kung saan maaaring magsagawa ng in-person classes sa nasabing pasilidad.

Habang 163 temporary learning spaces naman ang itatayo sa mga lugar na nasalanta ng mga bagyong Odette at Agaton.

Hindi naman sang-ayon ang Teachers’ Dignity Coalition sa pahayag ng DepEd na handang-handa na ito sa pagbubukas ng klase at may sapat na mga pasilidad at mga learning material para sa darating na school year.

“We beg to disagree. Consistent ang report na natatanggap namin from the field, from our teachers. Kulang talaga ang classrooms, chairs at pati na learning materials. Not to mention the lack of teaching and non-teaching and the deployment of health workers,” sabi ni Benjo Basas, chairperson ng nasabing grupo.

“Sa tanong kung handa na ba sa pagbubukas ng klase sa Lunes, nakahanda po ang mga guro natin sa kabila ng reservations, pero gaya ng mga nakalipas ang ating system ang hindi handa at anumang pagkukulang ay pupunuan muli ng ating mga guro. Mag-aabono financially at mag-render ng service beyond what is expected. Sakripisyo talaga, considering na wala ring ibinigay na pahinga sa amin,” dagdag pa ni Basas.