DEPED, DOH AT POPCOM NAGKAISA PARA PAG-IBAYUHIN ANG COMPREHENSIVE SEXUALITY EDUCATION
PINANGUGUNAHAN ng Department of Education, Department of Health at Population Commission ang hakbang para sa pagbibigay ng karagdagang kaalaman sa comprehensive sexuality education para mapigilan ang lumalaking bilang ng teenage pregnancy sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni POPCOM Undersecretary Juan Antonio III na responsibilidad ng DepEd, DOH at POPCOM ang pagbibigay impormasyon ukol sa sex education at teenage pregnancy.
Ngunit dagdag niya, ang pagtuturo ng CSE ay nararapat na magsimula sa mga eskwelahan. Ayon sa Reproductive Health Law, magsisimula sa mga estudyanteng nasa ika-limang baitang ang pagtuturo nito.
Magsusumite ang tatlong departamento ng panukalang badyet sa Department of Budget para maipatupad na ito ngayong taon o sa susunod na taon, saad ni Antonio.
Kamakailan din ay isinulong ni Sen. Risa Hontiveros ang Senate Bill 1334 o Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2020, na naglalayong magkaroon ng komprehensibong impormasyon sa mga kabataan upang maiwasan ang teenage pregnancy.