DEPED: CONFIDENTIAL FUNDS ‘DI PUWEDENG GAMITIN SA PAGTUGON SA SCHOOL VIOLENCE
HINDI angkop na gamitin ang confidential funds ng Department of Education para tugunan ang karahasan sa mga eskuwelahan, ayon kay Education spokesperson Atty. Michael Poa.
Ani Poa, ang confidential funds ng DepEd ay inilalaan sa mga partikular na aktibidad batay sa joint circular ng budget department.
“Hindi po siya akma sa mga sitwasyon na biglang may dalang panaksak for example ang isang learner sa school,” sabi ni Poa.
“Ito pong pag-obtain ng intelligence ay para po sa mga concerted activities or illegal activities na hinihimok ‘yung ating mga learners to join mga criminal activities or terrorist groups,” dagdag pa niya.
Aniya, may mga alituntunin na dapat sundin ang DepEd at hindi maaaring basta gamitin ang confidential funds nito para tugunan ang iba pang usapin.
“And all these things, even under the guidelines, should be done in collaboration with the law enforcement agencies.”
Nauna nang sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio na ang P150-million confidential fund ng DepEd ay para sa pagtugon sa mga ilegal na aktibidad na tumatarget sa mga estudyante.