Nation

DEPED BUBUO NG ANTI-CORRUPTION PANELS

/ 8 March 2022

IPINAG-UTOS ng Department of Education ang pagbuo ng anti-corruption committees sa central, regional at schools division offices nito sa layuning makabuo ng “culture of zero tolerance” laban sa  graft and corruption sa ahensiya.

“The department recognizes that graft and corruption are major obstacles to the realization of the right of all Filipinos and children to access quality basic education,” pahayag ng DepEd sa Order No. 007, s. 2022 nito na may petsang Marso 4.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na pinagtibay ng ahensiya ang prinsipyo na “a public office is a public trust,” kaya sinusuportahan nito ang ‘Project Kasangga: Aksiyon Laban sa Korapsiyon’ na proyekto ng Presidential Anti-Corruption Commission.

Naunang naglabas ang kagawaran ng Office Order No. OO-OSEC-2021-029 para sa paglikha ng isang ACC sa sentral na opisina, kasunod ng isang kasunduan sa PACC.

Upang mapalakas ang mga hakbangin laban sa katiwalian, inilabas ng DepEd ang kautusan na magbibigay-daan sa mga anti-graft panel na tumulong sa pagsugpo sa katiwalian sa pamamagitan ng mga polisiya, programa at adbokasiya, gayundin upang matiyak na mananagot ang mga opisyal at empleyado.

Ang komite sa DepEd central office ay aatasang bumuo ng streamlined complaint action center at makipagtulungan sa iba pang tanggapan ng DepEd sa paggawa ng imbestigasyon.