Nation

DEPED: 223 CLASSROOMS TOTALLY DAMAGED KAY ‘KRISTINE’

MAY kabuuang 223 classrooms ang totally damaged, habang 415 iba pa ang partially damaged sa pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine, ayon sa Department of Education (DepEd).

/ 25 October 2024

MAY kabuuang 223 classrooms ang totally damaged, habang 415 iba pa ang partially damaged sa pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine, ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, iniulat din ng field offices ang pinsala sa school furniture at computer sets.

“So ‘yung walang pasok, halos 19 million, 18.9 million ‘yung hindi pumasok the last two days. That represents almost 37,000 schools,” pahayag ni Angara sa sidelines ng isang artificial intelligence (AI) conference sa University of the Philippines (UP) BGC campus.

Base sa pinakahuling datos ng DepEd, ang initial infrastructure damage ay nasa P765 million — kung saan P557.5 million ang nangangailangan ng reconstruction at P207.5 million ang para sa major repairs.

Sinabi ni Angara na gagamitin ang quick response fund at rehabilitation fund ng DepEd para sa pagkukumpuni.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang kalihim sa suspensiyon ng face-to-face classes dahil sa natural disasters dahil maaari itong magresulta sa paglawak ng learning losses.

“Actually, nababahala na kami. So, ginawa namin is pina-collate na namin ano ‘yung number of missed number of classes. Tapos ilan ‘yung na napilitan na ma-cancel. Of those, ilan na, let’s say, sabi mong nasa 20 ‘yun, ilan na ‘yung na-make up nung bata,” aniya.

“Baka umabot na kasi sa punto na sobrang dami na ‘yung na-miss na [klase] hindi na nila ma-recover. So ‘yun ang concern namin ngayon dahil parang napapadalas na ‘yung mga bagyo at talagang ang importante diyan ay hindi learning loss ang nangyayari. Talagang kahit nasa bahay, merong pakinabang para sa mga estudyante sana,” dagdag pa niya.

Ayon kay Angara, bahala na ang mga principal ng mga apektadong eskuwelahan kung kailangan nilang magsagawa ng Saturday classes para sa mga na-miss na klase.

Sinabi pa ng DepEd na may 143 eskuwelahan ang nag-ulat ng secondary hazards o incidents tulad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Samantala, 309 eskuwelahan ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers.