Nation

DEPED: 1,370 CLASROOMS WINASAK NI ‘OPONG’, HABAGAT

29 September 2025

KABUUANG 1,370 classrooms ang iniulat na napinsala sa pananalasa ng bagyong Opong at ng Habagat, ayon sa Department of Education (DepEd).

Sa kabuuang bilang, 891 classrooms ang may minor damage, 225 ang nagtamo ng major damage, at  254 ang totally damaged, base sa situation report ng DepEd noong Sabado.

Sinabi rin ng DepEd na 13.3 milyong mag-aaral  at  569,000 personnel sa 23,796 public schools sa buong 13 rehiyon ang naapektuhan ng bagyo at ng Habagat.

Karamihan sa mga apektadong estudyante ay nagmula sa Bicol Region, Eastern Visayas, CALABARZON, Central Luzon, at MIMAROPA.

Naitala rin ng DepEd ang 121 eskuwelahan na nagsisilbing evacuation centers.

Idinagdag pa ng ahensiya na nakikipag-ugnayan ito sa  local government units sa pagpapatupad ng response protocols at sa paghahanda sa mga eskuwelahan para sa pagpapatuloy ng klase.

Nakikipag-ugnayan din ito sa iba pang humanitarian partners sa pagkakaloob ng resources at technical support sa mga apektadong rehiyon.

Si ‘Opong’ ay lumabas sa  Philippine Area of Responsibility noong Sabado ng umaga.