DENSING OIC HABANG NASA TOKYO SI SARA
SI DEPARTMENT of Education Undersecretary Epimaco Densing III ang magiging officer-in-charge ng ahensiya.
Ito’y habang nasa Tokyo, Japan si Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio para sa state funeral ni dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Sa liham na nilagdaan ni Acting Deputy Executive Secretary for General Administration Lorajean Alamin, pamumunuan ni Densing ang DepEd mula Setyembre 25 hanggang 28.
Si Duterte-Carpio ay nakatakdang dumalo sa state funeral ni Abe sa Setyembre 27 sa Nippon Budokan sa Tokyo, kung saan inaasahang dadalo ang humigit-kumulang 6,000 katao.
Sa paglagda sa condolence book, sinabi ng Bise Presidente na ipinagbigay-alam niya kay Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa ang kanyang layunin na maghatid ng mga liham ng pakikiramay mula sa kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.