Nation

DELAY SA KOMPENSASYON NG MEDIA, PRODUCTION WORKERS NG DEPED PINASISILIP SA KAMARA 

/ 24 March 2021

HINILING ng Makabayan bloc sa House Committee on Labor and Employment na magsagawa ng investigation in aid of legislation sa sinasabing delay sa pagbibigay ng kompensasyo sa mga media at production worker ng TV Project ng Department of Education.

Sa House Resolution 1662, hiniling din nina Bayan Muna Partylist  Reps. Ferdinand Gaite, Carlos Isagani Zarate at Eufemia Cullamat, kasama sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na busisiin ang iba pang paglabag sa Labor Standards.

Batay sa impormasyon, kinontrata ng DepEd ang Ei2 Tech, isang production company na pag-aari ng local celebrity na si Paolo Bediones, para sa TV episodes na gagamitin sa distance learning sa programang DepEd TV.

Ayon sa pahayag ng media workers’ rights watchdog na Buhay Media, nasa 30 teams ang nasa ilalim ng DepEd TV Project.

Batay sa kontrata, unang pinangakuan ang mga staff ng producation company ng monthly payments subalit kinalaunan ay naging per episode.

Ang bawat executive producer ay pinangakuan ng P60,000 kada buwan na kompensasyon para sa pagbuo ng 16 episodes.

Subalit noong September 2020 habang nagsasagawa ng technical runs ng DepEd TV, ginawa nang per episode ang mga executive producer o katumbas ng P3,750 bawat espisode.

“Buhay Media argues that this is a notorious industry practice where talents and contractual workers are paid per segment or episode aired, not compensating the long nights, and often, the episodes that don’t get to air,” pahayag sa resolution.

Nakasaad din sa resolution na nasa 400 ang apektadong manggagawa na simula noong September 2020 ay hindi pa nakatatanggap ng kompensasyon para sa kanilang serbisyo.

“Workers are appealing to the Departmnet of Education to look into their plight mainly because DepEd TV already started airing through different traditional and digital platforms,” pahayag pa sa resolution.

Ipinaalala rin ng mga kongresista sa DepEd na bagama’t hindi sila ang direktang employer ng mga production worker, mayroon silang moral responsibility upang matiyak na natatanggap ng mga ito ang kanilang kompensasyon sa tamang oras.

Iginiit ng grupo ng mga mambabatas na dapat ding pagpaliwanagin ang Ei2 Tech, Inc at alamin din sa Department of Labor and Employment ang mga hakbangin na dapat gawin sa ganitong sistema.