Nation

DEKLARA NG DEPED: PUBLIC SCHOOL TEACHERS WALANG INTERNET ALLOWANCE

/ 9 August 2020

NILINAW ng Department of Education na walang basehan para magbigay ng internet o load allowance sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa ngayon.

Ito ay bilang tugon ng Deped sa mga napaulat na may mga guro na nagsasabi na wala pa silang natatanggap na internet o load allowance.

“We are still coordinating with DBM (Department of Budget and Management) on the adjustment and policy guideline that we can use to reprogram our plan and budget to accommodate funding for this need (which DepEd also recognizes as necessary),” pahayag ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla nang hingan siya ng reaksiyon ukol sa bagay na ito.

Ayon pa kay Sevilla, naipamahagi na nila simula pa noong Hunyo ang P3,500 cash allowance sa bawat guro.

“Cash allowance has been released and received by the teachers already,” sabi ni Sevilla.

Ang cash allowance ay ginagamit ng mga guro para ipambili ng teaching supplies at materials, tangible o intangible, para sa implementasyon o pagsasagawa ng iba’t ibang modes of learning delivery.

“It is officially called cash allowance and it is really supposed to help teachers prepare for their teaching needs. Now that we have blended learning modality, that cash allowance should cover needs related to the new modality,” dagdag ni Sevilla.