DEKALIDAD NA ONLINE LEARNING MATERIALS PINATITIYAK SA CHED
INIREKOMENDA ni Senadora Imee Marcos kay Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera na bumalangkas ng pamamaraan upang matiyak na mga dekalidad na learning materials ang gagamitin ng lahat ng unibersidad at kolehiyo sa kanilang distance learning.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education hinggil sa distance learning, sinabi ni Marcos na napansin nilang maraming learning materials ang mababa ang standard.
Binigyang-diin ng senadora na sa pamamagitan nito ay matitiyak na kahit ang maliliit na unibersidad at kolehiyo ay magbibigay ng dekalidad na edukasyon.
“Ang takot natin ay maging online diploma mill ‘yan, kasi ito nga very good excuse kasi bigay na lang nang bigay ng diploma at may automatic promotion pero ‘di natin natse-check,” pahayag ni Marcos.
Kasabay nito, pinuna ni Marcos ang University of the Philippines makaraang makatanggap ng impormasyon na ipinagdadamot nito ang kanilang mga online learning material sa ibang unibersidad at kolehiyo.
“Ang damot daw ng UP sa materyales, hirap na hirap ang mga probinsyano na maka-access wherein in fact, sa Open Distance Learning Act mandated sila na tulungan ang higher educational institutions,” dagdag pa niya.
Bilang tugon, nangako si De Vera na oobligahin ang UP na ibahagi ang kanilang mga educational material para sa online learning subalit binigyang-diin na mas maraming malalaking pribadong unibersidad ang nagbibigay ng kanilang mga materyales.
“Mayroon pong private universities na mas magagaling pa na willing mag-share like Mapua, De La Salle,” tugon ni De Vera.
“I’m very familiar with Mapua Computer Engineer that they are very generous lalo na ang La Salle. Ang UP, pakisabi naman na hindi ito time na maging madamot o talagang ipagkait sa maliliit na eskuwelahan ang mga materyales,” sabi pa ni Marcos.
“Kung may bayanihan sa Covid19, dapat mayroon ding bayanihan sa distance learning at dapat pilitin ang UP. Ang laki-laki naman ng budget nila na nakukuha sa gobyerno, dapat public property na rin ang kanilang online materials,” giit pa ng senadora.
Samantala, sinabi ni De Vera na alinsunod sa kanilang programa, bumuo sila ng online portal para sa mga unibersidad para sa pagbabahagi ng kani-kanilang materials sa open distance learning.
Dagdag pa niya, may ibang rehiyon din ang bumuo na ng mga consortium upang mas madali sa kanila ang pagtutulungan sa anumang usapin.