DEKALIDAD NA EDUKASYON TINIYAK NI DUTERTE
TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili ang pagtutok ng gobyerno sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon para sa lahat.
Sa kanyang ika-anim at huling State of the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na kahit hindi maisakatuparan ang pagbabalik ng face-to-face classes, patuloy ang pagsisikap ng gobyerno na tuloy-tuloy ang pag-aaral.
“Despite our inability to conduct face-to-face classes during pandemic, we remain determined to deliver quality and accessible education to all,” sabi ng Pangulo.
Sa kanyang talumpati ay binanggit ni Duterte ang pagbuo ng basic education learning continuity plan, na nagbibigay-daan sa implementasyon ng distance learning bilang alternatibo sa in-person classes.
Ang learning plan, ayon kay Duterte, ay nagbigay-daan sa tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga estudyante sa basic education sector habang sinisiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang pagsasabatas ng libreng edukasyon sa tertiary students.
Dalawang beses binanggit ni Duterte ang Universal Access to Quality Tertiary Act of 2017 na naglalayong matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon ng kabataan.
Sa ilalim ng Republic Act 10931 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong August 3, 2017, libre ang matrikula at iba pang school fees sa State Universities and Colleges, Local Universities and Colleges, at state-run Technical-Vocational Institutions.
Sa ilalim ng batas, binuo ang Tertiary Education Subsidy and Student Loan Program at pinalakas ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education.
Samantala, upang matiyak naman ang trabaho para sa mamamayan, partikular sa overseas Filipino workers na nawalan ng hanapbuhay, inatasan ni Pangulong Duterte ang Technical Education and Skills Development Authority na ipagpatuloy ang mga programa para sa upskilling ng mga manggagawa.