Nation

DEKALIDAD NA EDUKASYON PARA SA LAHAT PINATITIYAK SA GOBYERNO

/ 31 October 2021

NANAWAGAN si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano sa kasalukuyan at susunod na administrasyon na tiyakin ang dekalidad na edukasyon para sa lahat upang magkaroon ng pantay na oportunidad ang bawat Pilipino.

Sa pagharap ni Cayetano sa working students, iginiit niya na ang edukasyon ang tamang puhunan para sa karera sa buhay.

“Ang point po kasi, with the right equipment — education — gaganda ‘yung opportunity mo sa buhay,” sabi ni Cayetano sa mga estudyante.

Sinabi ng kongresista na batay sa datos, mahigit sa 90 porsiyento ng mga mag-aaral ang napipilitang maagang magtrabaho para may maipantustos sa pag-aaral.

Ipinagmalaki naman ng mambabatas ang programa sa Taguig City na free education mula  pre-school hanggang kolehiyo upang matiyak ang socio-economic opportunities sa mamamayan ng lungsod.

Ibinida ni Cayetano na ang mga nagtapos sa high school sa Taguig ay awtomatikong nagiging scholars ng lungsod at nakatatanggap ng P15,000 hanggang P50,000 ang bawat nasa kolehiyo at post graduate.

Isiniwalat din ni Cayetano na maging siya ay naging working student noong nasa kolehiyo pa bilang student assistant at tumanggap ng P5 hanggang P6 na allowance kada oras.

“Noong summer, nag-shipping clerk naman ako. ‘Yung ayusin mo ang mga produkto, box mo. Then naging konsehal ako noong fifth year ko sa college. So, first two years ko sa law school, nagtatrabaho rin ako bilang konsehal,” kuwento pa ng mambabatas.