‘DEDMA’ ANG DEPED SA GMRC SUBJECT? LAWMAKER UMALMA
PINAALALAHANAN ni House Committee on Basic Education and Arts Chairman Roman Romulo ang Department of Education na tiyaking kasama pa rin sa bagong sistema ang pagtuturo ng Good Moral and Right Conduct.
Binigyang-diin ni Romulo na pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11476 o ang GMRC and Values Education Act of 2020.
Ginawa ni Romulo ang paalala sa pagdinig ng komite hinggil sa patuloy na paghahanda ng DepEd para sa pagbubukas ng klase sa October 5.
Sa hearing, nagbigay ng halimbawa ang DepEd sa kanilang gabay para sa daily class programs ng mga estudyante sa layuning matiyak na magiging epektibo pa rin ang pag-aaral sa kabila ng distance blended learning.
Sinabi ng DepEd na sa kada araw ay may class o program schedule pa ring susundin ang mga estudyante kung saan matutukoy ang mga aralin at perfomance activities na kanilang dapat na matapos bawat araw.
“Everyday there’s a schedule that a child is going to follow and in each day also the child knows what needs to be read, what performance task to be accomplished,” pahayag ni Leila Areola ng Bureau of Learning Delivery-Student Inclusion Division ng DepEd.
Sa tinukoy na halimbawa ni Areola na class schedule, napansin ni Romulo na hindi nabanggit ang GMRC.
“Napansin ko lang, sa mga na-mention walang GMRC when there is a law signed by the President. So is DepEd going to ignore this GMRC (Law)? I didn’t hear any GMRC and it is stated already I am sure na-record naman ito walang nabanggit,” pahayag ni Romulo.
“Walong subject na ang binanggit, hindi nabanggit ang GMRC so I’m just wondering kung ini-ignore ng DeEd ang napirmahan ng Pangulo na GMRC law. Again you don’t have to respond now, nagulat lang ako na na-ignore completely ‘yung batas,” dagdag pa ng kongresista.