Nation

DBM, PHILHEALTH NAGHAHANAP NG PONDO PARA SA HEALTH INSURANCE NG COLLEGE STUDENTS

/ 24 April 2022

SINABI ni Health Secretary Francisco Duque III na ginagawan na nila ng paraan upang magkaroon ng pondo para magamit sa insurance ng mga estudyanteng walang kakayahan.

Ito ay upang makapag-enroll at makadalo sa face-to-face classes ang mga estudyante bilang tugon sa requirement ng Commission on Higher Education.

Ayon kay Duque, naghahanap na ng pondo ang Department of Budget and Management at Philippine Health Insurance Corporation upang makapag-apply ng health insurance ang mga estudyanteng may edad 21 pataas.

“Problema iyong 21 years and above, iyon ang hinahanapan ng Philhealth at DBM ng pondo para makapag-enroll sila,” pahayag ni Duque.

Sa ilalim ng Philhealth program, ang mga estudyanteng 21-anyos pababa na dependents ng kanilang mga magulang ang makaka-avail sa Philhealth insurance para makasama sa in-persons classes.

Sinabi ni Duque na gumagawa na sila ng paraan para maisama sa national health insurance program ang mga estudyanteng lagpas 21 taong gulang.

“Hindi na po sila dependents ng kanilang mga magulang kung saan sa kasalukuyang polisiya ay covered lang ‘yung below 21 years of age,” dagdag ni Duque.

Mandato sa ilalim ng Universal Healtcare Law na lahat ng Pilipino ay maging miyembro ng Philhealth at walang maiiwanan pagdating sa benepisyong pangkalusugan ng gobyerno kaya hinahanapan na ito ng paraan ng Duterte administration.

Nauna rito, umalma ang mga estudyante sa kolehiyo at kanilang mga magulang sa health insurance na nire-require sa kanilang pagbabalik face-to-face classes dahil dagdag gastusin ito para sa kanila.