DATOS NG MGA GURONG TINAMAAN NG COVID19 IPINALALABAS SA DEPED
PINUNA ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang kawalan pa rin ng malinaw na datos ng Department of Education sa mga guro at education support personnel na tinamaan ng Covid19 sa loob ng mahigit isang taon ng pandemya.
“In Quezon City alone, 6 teachers have succumbed to the Covid19 for the month of March,” pahayag ni Castro.
Aminado si Castro na nababahala sila sa laki ng numerong posibleng tinamaan ng virus sa kanilang sektor lalo pa’t marami sa mga guro ang personal pang namamahagi ng modules.
“Sa kasalukuyan, walang sick leave ang mga guro, walang pondo ang Magna Carta provision para sa treatment ng mga sakit ng mga guro. Mababa rin sa listahan ng prioritization ang mga guro sa bakuna para sa Covid,” puna pa ng kongresista.
“Ang lumalalang kalagayan ng pampublikong edukasyon at ang pagpapahalaga sa kalusugan ng mga guro at kawani nito ay nagpapakita lamang ng napakababang pagtingin ng administrasyong Duterte sa edukasyon,” dagdag pa ng mambabatas.
Muling hinimok ni Castro ang Department of Education na maging responsable sa mga tauhan nito lalo na sa mga guro at education support personnel na nalalantad sa virus.
“Habang tumatagal na hindi nakokontrol ng administrasyong Duterte ang krisis pangkalusugan na ito, dumadami ang mga guro at kawani na nai-infect ng Covid at nagkakasakit dahil sa mga pahirap na mga patakaran ng distance learning. Lalo lang din tatagal na hindi ligtas na makakabalik-eskuwela ang mga kabataan at kaguruan,” diin pa ni Castro.
“Hanggang hindi naaayos ang krisis sa kalusugan at ekonomiya, tatagal lang din at lalala ang krisis sa edukasyon na pinapasan ng mga guro at kawani na nagsisilbing frontliner sa paghahatid ng edukasyon sa ating kabataan.”