DATING RUTA NG JEEPNEY IBABALIK; FERRY SERVICE PAGAGANAHIN PARA SA PAGBUBUKAS NG KLASE
PINAKINGGAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang hiling ng mga commuter na buksan ang mga dating ruta ng jeepney para maging magaan ang biyahe ng mga estudyante sa pagbubukas ng paaralan sa Agosto 22.
Ayon kay LTFRB Chair, Atty. Cheloy Garafil, mahigit 100 dating mga ruta ang maaaring muling buksan subalit kailangang mag-apply ng bagong prangkisa ang mga operator para maging lehitimo ang pasada ng mga ito.
Maging ang EDSA bus carousel ay nais ding madagdagan ng LTFRB at sinabing naghain na sila ng kahilingan.
Magugunitang nagpahayag ng kumpiyansa ang Department of Transportation na sapat ang mga pampublikong sasakyan para sa mga estudyante sa pagbabalik ng 100% face-to-face classes sa Nobyembre.
Bukod pagbabalik sa mga dating ruta, naghahanda na rin ang Pasig River Ferry Service at ang Metropolitan Manila Development Authority sa pagdagsa ng mga estudyante sa pagbubukas ng klase.
Ito ay upang madagdagan ang masasakyan ng mga estudyante at nagtatrabaho sa mga paaralang sakop ng university belt.
Ayon kay Irene Navera ng PRFS, mula anim na ferry, inaasahang madaragdagan pa ito ng tatlo sa katapusan ng Agosto para mas marami ang ma-accommodate na mga estudyante,
May bagong ferry din aniyang ibinigay ang isang telecommunications company na may 150 seats at fully air-conditioned.