DAHIL SA KAKAPUSAN NG PONDO, TEACHER-SOLON NANGANGAMBANG HINDI ‘ONE IS TO ONE’ ANG PAMAMAHAGI NG MODULES
NANGANGAMBA si ACT Teacher Partylist Rep. France Castro na hindi one is to one ang ratio ng modules sa mga estudyante o posibleng maghati-hati ang ilang estudyante sa mga learning module na ipamimigay ng mga paaralan.
Ito ay bunsod pa rin ng kakapusan ng pondo ng ilang paaralan sa pag-iimprenta ng mga learning module na gagamitin sa modular mode ng pag-aaral.
“Nakatatanggap tayo ng mga ulat mula sa mga guro mula sa iba’t ibang rehiyon na hanggang ngayon ay kulang pa rin ang mga module na mayroon sila para sa kanila mga mag-aaral,” pahayag ni Castro.
“Humahantong na rin ang patakaran sa mga module ay hindi 1 is to 1 o kaya naman ay mayroong kahati ang bata sa module. Napaka-problemado nito dahil hindi natitiyak na malinis at walang transmission ng sakit na magaganap sa paghahati ng mga bata sa module.”
Idinagdag pa ni Castro na may mga guro na rin ang halos namamalimos para lamang makapaghanda para sa balik-eskwela dahil hindi naman ibinibigay ng Department of Education ang mga kagamitan para sa modules.
“Si teacher pa rin ang gumagawa ng paraan at dumidiskarte upang masigurado na mayroong sapat na modyul ang mga bata,” pagdidiin ni Castro.
Dahil dito, muling kinuwestiyon ng teacher solon ang DepEd kung sadyang handa na nga ba para sa ligtas at dekalidad na pagbabalik-eskuwela sa Agosto 24.
Bukod sa modules, iginiit ng kongresista na wala ring suporta ang DepEd sa mga guro para sa kanilang internet connection, gayundin sa transportasyon at proteksiyon laban sa Covid19.
“Teachers are forced to go house-to-house just to deliver learning materials in some regions. Because of this, they have to provide, from their own pockets, personal protective equipment such as face masks and face shields to protect themselves from getting the disease,” paliwanag ng mambabatas.
Muling ipinaalala ng kongresista na ang mga guro ay mga frontliners din kung ang pag-uusapan ay ang pagbibigay ng edukasyon sa kabataan.
“If the Department of Education continues to neglect the demands of teachers, non-teaching personnel and parents, transmission among the population the virus will continue and millions of children will be disenfranchised, even those who have enrolled who may likely drop out later. What is the continuation of education for if it is not safe, accessible and quality education?” dagdag ni Castro.