DAGDAG-SAHOD SA MATH, SCIENCE TEACHERS ISINUSULONG SA KAMARA
TINAWAG na “fountain of knowledge and expertise“ ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang mga guro na kanyang pinasalamatan kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day.
Kasabay nito, nanawagan si Arroyo sa mga Pilipino na kilalanin ang kakayahan ng mga guro.
Kaugnay ng pagkilala sa mga guro, isinusulong ni Arroyo ang panukala na magpapataas sa kakayahan ng mga guro sa Science and Technology at Mathematics bilang special gift sa kanila.
Sa ilalim ng House Bill 487 o Developing Globally Competitive Science and Mathematics Teachers Act of 2022, nais ni Arroyo na maging rewarding professional career ang pagiging guro sa Science at Mathematics.
Kasama sa panukala ang pagbibigay ng scholarship at continuing specialized trainings sa mga guro at mas mataas na sahod sa mga ito.
Nakasaad din sa panukala na payagan ang mga new graduate na ang major ay Science at Math na makapagturo bago pa man pumasa sa licensure examination para sa mga guro.
“In effect, this bill will ensure that teaching in the fields of science and mathematics will be as competitive as those of other professions, and thus increase the number of competent teachers who will prepare Filipinos for global excellence,” pahayag pa ni Arroyo.