DAGDAG NA TEACHING ALLOWANCE NAIPASOK NA SA 2021 NATIONAL BUDGET
KINUMPIRMA ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na ipinasok na sa kanilang bersiyon ng proposed 2021 national budget ang dagdag na teaching allowance sa mga pampublikong guro sa susunod na school year.
Noong Lunes ay inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading ang Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2020.
“The allowance for teaching supplies will be increased from the present P3,500 to P5,000 a year. This is consistent with the proposed law institutionalizing the chalk allowance,” masayang pahayag ni Angara.
Muling binigyang-diin ni Angara na kabilang sa kanilang prayoridad para sa 2021 national budget ang tugunan ang mga pangangailangan sa educational system sa ilalim ng new normal, partikular ang internet access.
Sinabi naman nina Senador Win Gatchalian at Senador Joel Villanueva na napapanahon ang dagdag na teaching allowance lalo’t nahaharap ang mga guro sa mas maraming gastusin dahil sa distance learning.
“Napapanahon nang taasan natin ang pondong ibinibigay sa mga guro para mabili nila ang kanilang mga pangangailangan sa pagtuturo. Sa ating pagresponde sa mga hamon ng pandemya at sa pagbangon ng sektor ng edukasyon, nararapat lang na ibigay natin ang lahat ng suporta para na rin sa kapakanan ng mga estudyanteng tinuturuan nila,” pahayag ni Gatchalian.
Idinagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na humuhugot ang mga guro mula sa sarili nilang bulsa upang makabili ng sapat na kagamitan sa pagtuturo, lalo na’t hindi sapat ang kasalukuyang halagang natatanggap nila taon-taon.
“Hindi na natin dapat hayaan ang mga gurong mag-abono ng malaking halaga upang magampanan nila ang kanilang tungkulin,” dagdag ng senador.
“Napapanahon po ito dahil sa mga hamon ng distance learning sa ating mga guro sa public school teachers. Ginagamit ang allowance na ito, na mas kilala sa tawag na chalk allowance, pambili ng mga gamit sa paaralan ng mga guro,” pahayag naman ni Villanueva.
“Ang dagdag na chalk allowance po ay pagsisigurong sapat ang gamit ng mga guro para maturuan ang ating mga mag-aaral,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Higher and Technical Education.