Nation

DAGDAG NA MGA PAARALAN SA ANTIQUE ISINUSULONG

/ 18 March 2021

KABUUANG 24 na panukala ang inihain ni Antique Rep. Loren Legarda para sa pag-convert ng ilang elementary school bilang integrated school at pagdaragdag pa ng mga paaaralan sa lalawigan.

Sa 24 na panukala, 13 ang nakatutok sa conversion ng mga kasalukuyang elementary school bilang integrated school.

Kabilang dito ang Bitas Elementary School sa Patnongon; Bunlao Elementary School, Hining-an Elementary School, Sibato Elementary School at Manlacbo Elementary School sa Caluya; Danao Elementary School, Sibolo Elementary School at Igbangca Elementary School sa Anini-y; Flores Elementary School sa Culasi; Gen. Leandro Fullon, Panpanan Elementary School, San Remigio Elementary School; at Osorio Elementary School sa San Remigio.

Sa kanyang explanatory note sa mga panukala, sinabi ni Legarda na sa pamamagitan ng conversion ng elementary school bilang integrated school, magkakaroon na ng access ang mga estudyante, hindi lamang sa primary education kundi maging sa dekalidad na secondary education.

“Providing access to quality education is one of the best investments we can make to lessen illiteracy and alleviate poverty,” pahayag pa ni Legarda sa kanyang explanatory note.

Kabuuang 11 bagong elementary schools naman ang ipinatatayo ni Legarda sa Barangay Anilawan, Barangay Caloy-ahan, Barangay Igsoro at Barangay Babangan sa bayan ng Bugasong; Barangay Bakiang, Barangay Igmasandig at Barangay Culyat sa bayan ng Valderrama; Barangay Mag-ayad sa bayan ng Culasi; Barangay Quezon, Barangay Tig-angkal  at Barangay Villa Cruz sa bayan ng Patnongon.

Iginiit ni Legarda na sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bagong paaralan, mas maraming kabataan ang mabibigyan ng pagkakataon para sa dekalidad na edukasyon at hindi na nila kailangang bumiyahe sa ibang lugar para makapag-aral.