Nation

DAGDAG-HONORARIA NG TEACHERS ‘DI BABABA SA P2K — COMELEC

/ 16 May 2022

TINIYAK ng Commission on Elections na hindi bababa sa P2,000 ang tatanggaping dagdag na honoraria ng mga gurong nagsilbi nang sobra sa oras noong My 9 elections dahil sa nagkaaberyang vote counting machines.

Kinumpirma rin ni Comelec acting spokesman, Atty. John Rex Laudiangco na natanggap na nila ang sulat ni Education Secretary Leonor Briones para sa hiling na karagdagang honoraria.

Ayon sa kalihim, nais nilang bigyan ng P3,000 overtime pay ang bawat guro at iba pang poll workers na nagtrabaho nang sobra sa oras bunsod ng problema sa VCMs.

Gayunman, muling nilinaw ni Laudiangco na hindi ito maituturing na overtime pay at sa halip ay special incentives lamang.

Ipinaliwanag ni Laudiangco na posibleng maging batayan nila sa pagkakaloob ng dagdag na kompensasyon ang P2,000 na ipinagkaloob sa mga guro na nakaranas din ng kahalintulad na problema noong  2019 elections.

Sa datos ng Comelec, 915 VCMs ang nagkaroon ng problema at natagalan ang pagresolba kaya posibleng umabot sa mahigit 5,000 guro at poll workers ang tatanggap ng dagdag na honoraria.

Binigyang-diin ni Laudiangco na bago aprubahan ng Comelec en banc ang dagdag na honoraria, kailangan munang maging malinaw mula sa kanilang finance department na may pondong pagkukunan at tatalima ito sa accounting and audit rules.