DAGDAG-BUWIS SA PRIVATE SCHOOLS TALIWAS SA ‘EDUCATION FOR ALL’ POLICY — LAWMAKER
NANINIWALA si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na taliwas sa mandato ng gobyerno na ‘education for all’ ang polisiya ng Bureau of Internal Revenue na nagpapataw ng karagdagang buwis sa mga pribadong paaralan.
Ipinaliwanag ni Castro na ang mga estudyante at kanilang mga magulang ang labis na maaapektuhan sa kautusan dahil tiyak na tataas ang matrikula.
Sinabi pa ng kongresista na maaaring magbunga rin ito ng mass layoff dahil maraming paaralan ang tuluyan nang magsasara.
“Ngayong panahon ng pandemya, more than 900 na nga ang nagsasarang eskwelahan. At panghuli, taliwas ito sa panawagan natin na ‘education for all’ kaya nananawagan tayo na itigil itong pagpapataw ng tax sa ating private schools ngayong pandemya,” sabi ng mambabatas.
Kinuwestiyon din ni Castro ang layunin ng BIR sa ipinalabas na kautusan gayong isinusulong ang pagpapababa ng corporate income tax ng maraming kompanya, kasama na ang educational institutions.
“’Yung tax na ipinapataw doon sa ating mga private school bunga ng resolution o memo ng BIR, it is ironic na pinapababa natin ang corporate then itong mga private schools na talagang nagbibigay ng education, basic services sa ating mga estudyante ay tataasan ng tax,” dagdag pa ni Castro.
Ilang senador na rin ang nanawagan sa BIR na bawiin o suspendihin ang kautusan dahil sa maling interpretasyon sa probisyon ng Tax Code.