Nation

DAGDAG-BENEPISYO SA PAMILYA NG MGA GURONG NASAWI HABANG TUMUTUPAD SA TUNGKULIN

/ 1 February 2021

NAIS ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na mabigyan ng dagdag na benepisyo ang pamilya ng mga guro na nasawi habang tinutupad ang kanilang tungkulin.

Sa pagsusulong ng House Bill 3785 o ang proposed Heroic Teachers Act, sinabi ni Rodriguez na hindi lamang ang tungkulin sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon ang nakaatang sa balikat ng mga guro kundi maging ang iba’t ibang problema.

Gayunman, sinabi ni Rodriguez na katulad ng ibang empleyado, hindi nila maaaring dalhin sa trabaho ang personal na problema kaya kahit may banta sa kanilang buhay ay kailangan pa rin nilang mag-report sa mga paaralan.

Tinukoy pa niya ang patuloy na pagtuturo ng mga guro sa mga war-torn area kung saan madalas ang kidnapping.

“Teaching is a passion and somebody must love to teach in order to do it well. As such teachers should be rewarded in any way possible,” pahayag ni Rodriguez sa kanyang explanatory note.

Batay sa isinusulong na panukala ni Rodriguez, pagkakalooban ng P200,000 na benepisyo ang pamilya ng mga gurong nasawi habang tumutupad sa kanilang tungkulin bukod pa sa death benefits nito.

Nakasaad din sa panukala ang pagkakaloob ng full scholarships sa public schools at college sa mga anak ng mga gurong namatay habang tinutupad ang kanilang tungkulin.

Sa sandaling maaprubahan ang panukala, ang pondong kinakailangan sa implementasyon nito ay isasama sa taunang budget ng Department of Education at Commission on Higher Education.