DAGDAG-BENEPISYO SA MGA GURO ISINUSULONG
IPINANUKALA ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang pagkakaloob ng dagdag na insentibo sa mga pampublikong guro na nakatalaga sa labas ng kanilang bayan, lungsod o lalawigan.
Sa kanyang House Bill 10174 o ang proposed Distant Public School Teachers Incentives Act, sinabi ni Vargas na dapat ikonsidera ang dagdag gastusin ng mga guro sa kanilang pagbiyahe patungo sa kanilang mga paaralan.
“It is the hope of this measure to properly recognize and compensate our public school teachers who dedicate their lives to promoting quality and accessible education amidst the hardships of being assigned outside of their residence,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Alinsunod sa panukala, tatanggap ng dagdag na P2,000 monthly incentive ang mga pampublikong guro na nagseserbisyo sa labas ng kanilang mga bayan o lungsod.
Ang mga guro naman na nakatalaga sa ibang lalawigan ay bibigyan ng monthly allowance na P4,000.
Agad namang ihihinto ang pagbibigay ng insentibo kung maibabalik na ang mga guro sa paaralan kung saan din sila nakatira.
Nakasaad din sa panukala na ang monthly incentive allowance ay exempted sa buwis.