DAGDAG-AYUDA SA MAHIHIRAP NA ESTUDYANTE IGINIIT
NANAWAGAN si Senadora Leila de Lima sa gobyerno na tiyakin ang karagdagang suporta sa mga estudyante, partikular ang mga kabilang sa 4Ps beneficiaries.
“Nabasa ko ang mga ulat at naipaabot po sa akin ang panawagan ng 4Ps Parent Leaders sa ilalim ng Samahan ng Nagkakaisang Pamilyang Pantawid para sa karagdagang suporta sa pag-aaral ng ating mga estudyante, lalo na ang mga itinuturing na ‘poorest of the poor’ learners, who are among the most heavily impacted by this pandemic. Hindi lang kalam ng sikmura ang sigaw nila. Hiling din nila na matugunan ang kalam ng isipan at karunungan,” pahayag ni De Lima.
“Nakalulungkot marinig ang panaghoy at mga iniinda ng mga magulang at mag-aaral na bahagi ng 4Ps na siyang sumasalamin sa pinagdadaanan ng milyong-milyong pamilya sa buong bansa. Salat sa kaalaman at hirap matuto bunsod ng kakulangan ng suporta ng pamahalaan,” dagdag ng senadora.
Hinamon pa ng mambabatas ang gobyerno na patunayan ang kanilang malasakit sa mahihirap lalo na sa pagresolba sa krisis sa edukasyon at suporta sa mga mag-aaral.
“Nariyan ang mga bayaning guro na naglabas mula sa kanilang sariling bulsa upang tugunan ang pagkukulang ng gobyerno. Nilangoy nila ang rumaragasang tubig at tinawid ang mga bundok upang maabot ang mga mag-aaral. Pero ang masakit at mapait na katotohanan ay maging ito ay kulang,” dagdag pa ni De Lima.
Binigyang-diin pa niya na dapat pag-ukulan din ng pondong inutang ng gobyerno ang education system sa bansa dahil hindi naman maaaring talikuran ang mandato para sa dekalidad na edukasyon para sa lahat.
Iginiit ng senadora na dapat umpisahan ito ng pamahalaan sa pagbibigay ng learning gadgets sa kabataan lalo’t marami sa mga estudyante ang walang pambili dahil inuuna ng magulang na nawalan ng hanapbuhay ang ilalagay sa hapag-kainan.
Binigyang-diin pa ni De Lima na dapat tugunan ng sapat at tamang istratehiya ang modular learning na kinakailangang paigtingin pa.
“The government must listen to the pleas of our students and parents and their recommendations, lest our educational crisis worsen. Ayuda for all students dapat at hindi pwedeng sana all lang. #AyudaForAll.”