DAGDAG-ALLOWANCE SA PUBLIC SCHOOL TEACHERS SA PARANAQUE
MAGANDA ang salubong ng bagong taon sa halos 3,900 public school teachers sa Parañaque City.
Ito’y makaraang ianunsiyo ni Mayor Eric L. Olivarez na simula Enero 2023 ay makatatanggap na sila ng karagdagang P1,000 sa kanilang cost-of-living allowance.
Ang kasalukuyang natatanggap ng mga guro na buwanang COLA na P3,000 ay magiging P4,000 na kung saan kabilang ito sa karagdagang P46,800,000 na inilaan para sa 2023 budget ng lungsod.
Ayon kay Olivarez, ang mga guro sa pampublikong paaralan ay ang mga education frontliners na nararapat na alagaan sa lungsod.
Sinabi ng alkade na ang pondo para sa karagdagang COLA ng mga guro ay manggagaling sa General Fund at Special Education Fund ng lokal na pamahalaan na kabilang na rin sa P11.3 bilyong budget para sa taong 2023.
Bukod sa karagdagang COLA ng mga guro, ang mga estudyante sa 46 public school campuses na umaabot sa 110,000 ay nakatatanggap din ng buwanang P500 allowance mula sa lokal na pamahalaan.