Nation

CYBER BULLYING TARGET NG PNP PARA SA LEARNERS’ PROTECTION

/ 6 October 2020

SA PAGSISIMULA ng blended learning ng Depatment of Education kahapon, inatasan ni Philippine National Police Chief, Gen. Camilo Cascolan ang Anti-Cybercrime Group na i-monitor ang mga online learner laban sa mga bully.

Ginawa ni Cascolan ang pahayag dahil lantad ngayon ang mga mag-aaral sa networld o cyber space dahil ito na ang karaniwang medium na ginagamit sa pag-aaral.

Sinabi ng PNP Chief na bagaman wala pa silang reklamong natatanggap na online class-related bullying, dapat na agapan nila ito.

Dahil lantad sa cyberspace at maraming makakausap ang mga learner, hindi maiiwasan ang kulitan at asaran na posibleng mauwi sa bullying na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa bata gaya ng pagkatakot, depresyon at pagkawala ng interes sa pag-aaral

Kaya naman tiniyak ni Cascolan na kumikilos ang ACG para proteksiyonan ang mga estudyante.

“Ang ating ACG ay surfing at the same time looking for those who will be affecting the use of the internet by our students,” ayon kay Cascolan.

Pinaalalahanan din ni Cascolan ang mga magulang na i-report agad sa PNP-ACG sakaling makaranas ng cyber bullying ang kanilang mga anak na estudyante.

Dagdag pa ng heneral, nagtayo sila ng mga police assistance desk sa mga barangay at sakaling makaranas ng bullying habang nasa online class ang mga anak ay maaaring dumulog doon ang mga magulang.