COVID19 TESTING FOR ALL TEACHERS – SOLON
ISINUSULONG ni Manila Teachers partylist Rep. Virgilio Lacson na maisama sa target testing para sa Covid19 ng Department of Health ang lahat ng mga pampublikong guro.
Sinabi ni Lacson na kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga guro at masiguro na hindi rin sila ang magiging dahilan upang maikalat pa ang coronavirus.
Sa kanyang House Bill 935, iginiit ng kongresista na bago ang face-to-face classes, o bago pa man simulan ang klase sa Agosto 24 ay dapat nang maisalang na sa Covid19 test ang mga guro sa public schools.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ‘tulad umano ng mga doktor ay maituturing din na frontliner ang mga guro maging ang iba pang school personnel na nagsasakripisyo rin ng kanilang oras at sumasabak sa panganib upang matiyak na maayos ang magiging takbo ng bagong sistema sa edukasyon.
Kailangan din aniyang matiyak na Covid19 free ang mga paaralan upang maging kampante ang mga magulang na papasukin ang kanilang mga anak sa sandaling magsimula na ang face-to-face classes.
Matatandaang inihayag ng Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address kama-kalawa na posible ang face-to-face classes sa oras na magkaroon na ng bakuna laban sa Covid19, pero maaaring mangyari ito sa susunod pa na taon.