COUNCIL FOR THE WELFARE OF CHILDREN KINALAMPAG SA LUMALALANG CHILD EXPLOITATION
KINALAMPAG ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Council for the Welfare of Children kaugnay sa lumalalang child exploitation sa gitna ng pandemya.
“Tinatawag ko ang pansin ng CWC para alagaan ang kapakanan ng mga bata,” pahayag ni Go.
Nais ng senador na maglatag ng mga hakbangin ang CWC upang mapigilan ang pag-abuso sa kabataan at ang pagpasok mismo ng mga estudyante sa mga desperadong hakbangin upang kumita ng pera.
Iginiit ni Go na kailangang gabayan ang kabataan, partikular ang mga estudyante sa paglaban sa epekto ng krisis.
Isa sa naging hakbangin ng tanggapan ng senador simula noong pandemya ay ang pamamahagi ng tulong sa mahihirap na pamilya, partikular ang pagbibigay ng computer tablets sa mga estudyante upang magamit sa kanilang pag-aaral.
“Hirap na hirap na po ang mga kababayan natin. May iilan na nagiging desperado na para lang kumita. Kung kaya ginagawa natin ang lahat para sa bagong taon ay walang magugutom, magkakaroon ng sapat at ligtas na bakuna para sa lahat lalo na ang mga mahihirap, at magkaroon ng kabuhayan at trabaho muli ang bawat Filipino,” sabi ni Go.
Muli ring iginiit ng senador ang mga panukala para protektahan ang mental health ng mga Pinoy at magbigay ng dagdag na psycho-social assistance sa mga individuals in distress.
“Sa ating mga kabataan, kung may kailangan kayo, lapitan ninyo lang kami. Nandito ang gobyerno para tulungan kayo. Huwag po kayo mawalan ng pag-asa dahil malalampasan rin natin ang mga krisis na ito na dulot ng pandemya at kahirapan,” diin pa ng mambabatas.