CONVERSION NG OCCIDENTAL MINDORO STATE COLLEGE SA STATE UNIVERSITY ISINUSULONG SA SENADO
ISINUSULONG ni Senadora Imee Marcos ang panukala para sa conversion ng Occidental Mindoro State College bilang state university upang mas marami ang masakop ng serbisyo nito.
Sa kanyang Senate Bill 2041, binigyang-diin ni Marcos na mandato ng Estado na magtayo at magmantina ng kumpleto, sapat at integrated system of education para sa national development.
Ang OMSC ay nag-iisang state college sa lalawigan ng Occidental Mindoro na nagsimula bilang barrio high school noong 1996 bago naging state college at nagkaroon ng anim na campus para sa may 4,000 estudyante.
“OMSC has proven competence in various degree programs by producing board top-notchers and board passers in government board examinations,” pahayag ni Marcos sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin pa ng senadora na mismong mga residente ng lalawigan ang humihiling ng conversion nito bilang state university.
Naniniwala ang mga residente ng lalawigan na sa pamamagitan nito ay magiging mabilis ang paglago ng ekonomiya bukod pa sa advancement ng higher education at professional development ng mga estudyante.
Nakasaad naman sa panukala ang pananatili ng academic freedom sa educational institution kahit maaprubahan ang conversion nito bilang state university.