Nation

CONVERSION NG EXTENSION CAMPUSES NG STATE U SA PAMPANGA LUSOT NA SA SENATE PANEL

/ 3 February 2021

INAPRUBAHAN na ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education Committee ang panukala ni Senador Lito Lapid  na maging regular campuses na ang extension campuses ng Don Honorio Ventura State University sa 10 munisipalidad sa lalawigan ng Pampanga.

Sa virtual hearing na pinangunahan ni Committee Chairman Joel Villanueva, nagpahayag ng suporta ang Commission on Higher Education sa Senate Bill 1862 o para maging regular campus ang mga extension campus ng DHVSU sa mga bayan ng Sto. Tomas, Porac, Lubao, Candaba, Apalit, Mexico, Sta. Rita, Floridablanca, Guagua at Sasmuan.

Sa pagdinig, ipinaliwanag ni Lapid na layunin niyang matiyak na mabibigyan ng oportunidad na makatapos ng kolehiyo ang lahat ng mga estudyante sa lalawigan.

“You all know my background, I did not finish my studies and I want all the students to finish theirs. In 1996, I set up the Lito Lapid College Foundation. When Mt. Pinatubo erupted, I fell short on funding it. That is why I am very concerned about the conversion of DHVSU so that more students would be able to go to school, especially here in the province of Pampanga,” pahayag ni Lapid.

Idinagdag pa ng senador na dekalidad at accessible na edukasyon ang ibinibigay ng mga extension campus ng unibersidad sa kani-kanilang lokalidad at kalapit na lugar, partikular para mahihirap subalit deserving na estudyante.

Kung magiging regular ang mga extension campus, mas malawak ang oportunidad ng unibersidad na makapagbigay ng libre at dekalidad na edukasyon sa mga mamamayan ng Pampanga.

Ito ay sa pamamagitan ng tiyak at nararapat na budgetary support mula sa taunang General Appropriations Act na magbibigay-daan para sa improvement ng pasilidad at serbisyo.

Bukod dito, magkakaroon na rin ng pondo ang mga campus para sa sarili nilang imprastraktura, laboratory equipment at iba pang mahahalagang pasilidad para sa pagsasaayos ng kalidad ng pagtuturo.

Ihahanda na ng komite ang report nito upang maisalang sa plenary discussions sa Senado.