CONNECTIVITY HAMON PA RIN SA ONLINE LEARNING — DEPED
AMINADO ang pamunuan ng Department of Education na nananatiling malaking hamon ang mahina o di kaya’y kawalan ng internet connection ng mga mag- aaral para sa online learning.
Subalit sinabi ng kagawaran na hindi lang naman iisa ang pamamaraan ng pagtuturo para matuto ang mga mag-aaral kahit sa panahon ng pandemya.
“Ang nakikita namin na continuing challenge of course is connectivity. Pero kaya nga blended ang learning natin kasi kung hindi uubra ang isang paraan tulad ng connectivity,” ayon kay Education Secretary Leonor Briones.
“So kaniya-kaniyang solve ng problema iyan because people are on the ground. Medyo suwerte ang DepEd dahil napaka-valuable ng education sa ating lipunan kaya lahat talagang nagtutulungan–ang government, ang civil society, ang mga professional group. Eh, hindi na kami humihingi, sila na mismo ang lumalapit. Sila na magsasabi na ito ang dapat ninyong gawin, wala kayong connectivity, ito mag-setup tayo ng ibang paraan,” paliwanag pa ng kalihim.
Ayon pa kay Briones, mas mabilis at madali ngayon ang kanilang pagtugon sa programang ito at umubra umano ‘yung sinasabi nilang ‘no one size fits all’ dahil mayroon talagang mga hindi pangkaraniwang sitwasyon.
“Ngayon ang aking Undersecretary nasa Batangas halimbawa kasi may problema doon iyong mga teacher daw na umakyat sa tuktok ng isang building makakuha ng signal. Eh, ako rin ay lumalabas din ng bahay, tayo naglalabasan ng mga bahay natin kung nagpoproblema tayo sa connectivity,” sabi ni Briones.
“At kaya we’re also looking for alternatives at maraming offers, maraming advice tungkol dito at nandiyan din ang ibang paraan. Iyon ang kabutihan ng may binuo ka na options,” dagdag pa niya.