CONFI FUND NG DEPED IPINAGAGAMIT SA SPED PROGRAM
INIREKOMENDA ni Albay Rep. Edcel Lagman na gamitin na ang P150 milyong confidential fund ng Department of Education sa special education program nito.
Sa deliberasyon ng budget ng ahensiya, kinuwestiyon ni Lagman ang kawalan ng alokasyon para sa SPED program.
Sinabi ni Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora, sponsor ng budget ng DepEd, na tiyak siyang makakahagilap ng pondo ang ahensiya para sa programa.
Iginiit naman ni Lagman na upang magkaroon ng tiyak na pondo, dapat ay i-realign na lamang ang confidential fund ng ahensiya.
“And one of the items of expenditures that could be realigned would be the amount of P150 million for confidential funds under the Department of Education,” pahayag ni Lagman.
Sinabi naman ni Zamora na ipauubaya na ng DepEd sa Kongreso ang desisyon kung magsasagawa ito ng realignment ng pondo.
Sa kabilang dako, iginiit nina Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na gamitin na ang confidential fund sa mga programa na nagbibigay ng proteksiyon sa mga bata.
Sinabi ni Brosas na maaari ring gamitin ang pondo upang tugunan ang iba pang problema ng ahensiya gaya ng kakulangan sa armchair at textbook sa mga pampublikong paaralan.