COMPUTER SCIENCE IPINASASAMA SA BASIC EDUCATION CURRICULUM
UPANG makatugon ang mga estudyante sa kinakailangang abilidad at kaalaman sa modernong panahon, nais ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel na isama sa basic education curriculum ang Computer Science.
Sa pagsusulong ng Senate Bill 99 o ang proposed Computer Science Act, binigyang-diin ni Pimentel na kapos ang kasalukuyang enhanced basic education program upang makatugon sa mga pangangailangan ng makabagong panahon.
“To thrive in this global and high-tech marketplace of the 21st century, one must be able to create technology,” pahayag ni Pimentel sa kanyang explanatory note.
Tinukoy pa ni Pimentel ang 2017-2018 Global Competitiveness Index kung saan ang overall ranking ng Filipinas ay ika-56 sa 137 na bansa at ika-61 sa ‘innovation and sophistication factors’.
Batay sa panukala, irereporma ang disenyo ng K-12 program at isasama ang computer science, computer literacy at information and communications technology bilang bahagi ng basic subjects sa lahat ng level mula Kinder.
Pinatitiyak sa panukala na maagang made-develop sa kabataan ang foundational computer programming skills na kinakailangan sa higher level education.
“The K-12 curriculum shall be further revised to create a Computer Science and Information and Communications Technology strand under Academic Track offered to Senior High School students,” iginiit ni Pimentel sa panukala.
Pinatitiyak din sa Department of Education na maisama sa pagtuturo ng lahat ng subject sa lahat ng level ang paggamit ng computer o ang kinakailangang introduction hinggil sa computer at modern technology.
Inoobligahan din ang DepEd na magbigay ng kinakailangang training sa mga guro at school administrators at dapat makipagtulungan ito sa Department of Information and Communications Technology para sa pagbalangkas ng nararapat na curriculum.