Nation

COMMUNITY LEARNING HUB INILUNSAD SA PASIG

/ 20 October 2020

INILUNSAD kahapon sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City ang Community Learning Hub sa layuning tulungan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.

Pinangunahan nina Vice President Leni Robredo at Pasig City Mayor Vico Sotto ang paglulunsad sa nasabing programa.

“Marami pa rin tayong mag-aaral na non-readers o frustrated readers. . . at marami rin sa kanila ang ‘di matututukan sa bahay dahil hindi kaya ng magulang,” pahayag ni Sotto sa kanyang Facebook post.

“Kaya malaking tulong ang Community Learning Hub na ito sa Caliwag,” dagdag pa ng alkalde.

Hanggang limang bata o mag-aaral lamang ang papayagang pumasok sa nasabing learning hub kada oras alinsunod sa health protocols.

“Ang maganda dito, katabi lang ng bahay nila kaya safe sila. Trained din ang mga tutor na magko-concentrate sa mga lesson kung saan nahihirapan ang mga bata,” sabi ni Sotto.

Ang Pinagbuhatan ang pinakamalaking barangay sa lungsod ng Pasig.

Nagpasalamat naman si Robredo sa lokal na pamahalaan sa patuloy na pakikipagtulungan sa kanyang opisina.

“Nagpapasalamat po tayo sa LGU ng Pasig sa maraming pagkakataon na maging partner sila. Siguro po hindi maipagkakaila na paborito ng opisina namin ang Pasig kasi napakadali pong katrabaho at napaka-proactive,” sabi ni Robredo.