COMELEC SA KABATAAN: MAGPAREHISTRO NA
HINIMOK ni Commission on Elections spokesperson Atty. John Rex Laudiangco ang mga kabataan na magparehistro na para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
HINIMOK ni Commission on Elections spokesperson Atty. John Rex Laudiangco ang mga kabataan na magparehistro na para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sinabi ni Laudiangco na handang-handa na ang poll body sa muling pagbubukas ng voter registration ngayong Lunes, Hulyo 4, hanggang Hulyo 23.
Inanyayahan ni Laudiangco ang mga magiging bagong botante at maging ang mga nais ibalik ang kanilang rehistro na magtungo sa mga tanggapan ng Comelec ng Lunes hanggang Sabado, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon kabilang ang holidays.
Ayon kay Laudiangco, target nila ang mga bagong botante para sa SK election.
“Ito ‘yung mga magiging 15 years o 15 years old to 17 years old… Kung hindi pa 15 pero magfi-15 [years old] by December 5, 2022, puwede nang magparehistro,” pahayag ni Laudiangco.
Ang mga kuwalipikado naman na mag-aplay para sa pagboto sa regular elections, kabilang ang barangay elections, ay ang mga magiging 18-anyos pagsapit ng Disyembre 5.
Gaganapin ang Barangay at SK elections sa Disyembre 5, 2022 sa gitna ng mga panawagan na suspindehin ito upang makatipid sa pondo ang pamahalaan.
“Nakasaad sa batas na kailangang isagawa ang Barangay at SK elections sa December 5… Hangga’t walang batas para ‘wag itong ituloy, tuloy ang paghahanda ng Comelec,” paliwanag ni Laudiangco.
Maaari namang mag-aplay ulit ang mga natanggal sa voters list sa pamamagitan ng online simula Hulyo 4 hanggang 19.