Nation

COLLEGE OF MEDICINE SA STATE UNIVERSITY SA ZAMBALES APRUB SA HOUSE PANEL

/ 3 June 2021

LUSOT na sa House Committee on Higher and Technical Education ang panukala para sa pagtatayo ng College of Medicine sa state university sa Iba, Zambales.

Sa virtual hearing ng komite na pinangunahan ni Cong. Mark Go, nagkasundo ang mga miyembro na iendorso na sa plenaryo ang House Bill 9321 ni Zambales 2nd District Rep. Cheryl Deloso Montalla para sa pagtatayo ng College of Medicine sa President Ramon Magsaysay State University.

Ito ay makaraang magpahayag ng pagsuporta ang Commission on Higher Education sa panukala alinsunod na rin sa target ng gobyerno na mapunan ang kakulangan ng mga doktor at iba pang health workers sa bansa.

Sa pagdinig, sinabi ni President Ramon Magsaysay State University President Dr. Roy Villalobos na maraming mahihirap na estudyante sa Zambales subalit mga deserving  kaya kung maisasabatas ang panukala ay malaki ang maitutulong nito lalo na sa mahihirap.

Idinagdag pa ni Villalobos na handa silang mag-hire ng mga dagdag na faculty members at mga pasilidad para sa kanilang College of Medicine.

Inirekomenda naman ni CHED Legal and Legislative Service Director Atty. Frederick Mikhail Farolan na isabay na rin ang pag-aalok ng kursong dentistry sa state university.

Batay sa panukala, pangunahing layunin ng inilalatag na kolehiyo ang bumuo ng ‘corps of professional physicians’ na magpapalakas sa healthcare system sa bansa.

Mandato rin ng College of Medicine na magsagawa ng research and extension services para sa progressive leadership.

Magkakaloob din ang kolehiyo ng scholarships at iba pang programa para tulungan ang mahihirap na estudyante.

Tinitiyak din sa panukala ang pagkakaroon ng academic freedom at institutional autonomy.