COLLEGE OF MEDICINE IPINATATAYO SA MSU-IIT
IPINAGPALIBAN ng House Committee on Higher and Technical Education ang pag-apruba sa panukala para sa pagtatayo ng College of Medicine sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology sa lalawigan ng Lanao del Norte.
Sa pagdinig ng komite, tinalakay ang posibleng magiging conflict ng pagtatayo ng bagong kolehiyo sa unibersidad dahil mayroon na ring College of Medicine sa ilalim ng MSU-Marawi City campus.
Ang House BIll 9492 ay isinusulong ni Iligan City Rep. Frederick Siao na nagsabing ang kanyang panukala ay nakabatay sa bagong batas na Republic Act 11509 o ang Doktor Para sa Bayan Act.
“The establishment of a college of medicine in MSU-IIT supports the plan of the National Government to augment the capacity of existing state universities and colleges that offer Doctor of Medicine programs to accommodate marginalized but deserving students,” pahayag ni Siao sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin ni Siao na ang pagtatayo ng College of Medicine sa MSU-IIT ay magbibigay ng mas malawakk na oportunidad para sa dekalidad na edukasyon subalit abot-kaya at mareresolba ang kakulangan ng mga doktor sa bansa.
Sa pagdinig, ipinayo ni Committee chairman Mark Go na sa halip na bagong College of Medicine, mas makabubuting extension na lamang ng kasalukuyang kolehiyo ang itatag.
Nanindigan naman si Siao na kailangang-kailangan ang College of Medicine sa MSU-IIT dahil limitado lamang sa 100 ang tinatanggap ng MSU-Marawi para sa kursong medisina.