COLLEGE OF MEDICINE IPINATATAYO SA MAGSAYSAY STATE U
IPINANUKALA ni Zambales 2nd District Rep. Cheryl Deloso Montalla ang pagtatayo ng College of Medicine sa state university sa Iba, Zambales.
Sa House Bill 9321, sinabi ni Montalla na dapat magkaroon ng College of Medicine sa President Ramon Magsaysay State University upang matugunan din ang kakulangan sa healthcare system.
Ipinaliwanag ng kongresista na sa Filipinas, nagiging limitado ang access sa medical education dahil nasa 58 lamang ang medical schools.
“The cost of a medical education is also one of the deterrents for a hopeful student to become a doctor. Tuition and other fees are exorbitantly high in private medical education institutions as compared to that in public medical schools,” pahayag ni Montalla sa kanyang explanatory note.
Sinabi ng mambabatas na upang matiyak na mabibigyan ng pantay na oportunidad ang mahihirap subalit deserving na mga estudyante, dapat na magkaroon ng dagdag na public medical education institution.
Batay sa panukala, pangunahing layunin ng inilalatag na kolehiyo ang bumuo ng ‘corps of professional physicians’ na magpapalakas sa healthcare system sa bansa.
Mandato rin ng College of Medicine na magsagawa ng research and extension services para sa progressive leadership.
Magkakaloob din ang kolehiyo ng scholarships at iba pang programa para tulungan ang mahihirap na estudyante.
Tinitiyak din sa panukala ang pagkakaroon ng academic freedom at institutional autonomy.