COCOPEA UMAASA SA AKSIYON NG SENADO VS TAX RATE HIKE SA PRIVATE SCHOOLS
UMAASA ang Coordinating Council of Private Educational Associations na isa sa magiging solusyon sa kanilang problema sa itinaas na corporate income tax sa mga pribadorng paaralan ang panukala para linawin ang probisyon sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o CREATE Act.
Sinabi ni COCOPEA Managing Director Atty. Joseph Noel Estrada na isa sa kanilang sinasandigan ay ang suporta ng mga senador upang aprubahan ang panukala at mabawi ang implementasyon 150 percent na dagdag-buwis sa mga pribadong paaralan.
Bukod sa legislative action, umaasa rin ang COCOPEA na agad diringgin ng Court of Tax Appeals ang inihain nilang petisyon upang mapigilan ang pagpapataw ng mas mataas na buwis.
Ipinaliwanag ni Estrada na layunin ng kanilang petisyon na makakuha ng temporary restaining order habang patuloy pang pinag-aaralan ng mga mambabatas ang batas.
Tila nawalan naman ng pag-asa ang COCOPEA na maaksiyunan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanilang impormasyon ay umaayon ang Office of the President sa kautusan ng BIR.
“Hanggang mayroon pang pagkakataon kami ay patuloy na umaapela sa lahat ng ahensiya ng gobyerno,” diin ni Estrada.
Iginiit ni Estrada na kung hindi na mapipigilan ang kautusan ng BIR ay mas marami pang paaralan ang tuluyang magsasara.
“’Yan po ang aming pinangangambahan dahil sa economic condition natin ngayon halos kalahati ang hindi nakapag-enroll, Isasabay pa ang pagbabayad ng tax, talagang maraming mapipilitan na magsara,” dagdag pa niya.