CLASSROOMS IPAGAGAMIT NA QUARANTINE FACILITIES
INIREKOMENDA ni Marikina City 1st District Rep. at Deputy Minority Leader Bayani Fernando na ipagamit sa mga asymptomatic o walang sintomas na Covid19 patients ang mga silid-aralan.
Sinabi ni Fernando na dahil online learning ang ipatutupad na sistema sa mga estudyante dulot ng pandemya, mas mainam na mapakinabangan muna sa pakikipaglaban sa Covid19 ang mga klasrum.
“I am proposing that asymptomatic individuals be quarantined in classrooms and the ratio would be 1:1 or one classroom, one Covid19 positive person. In this way we can prevent further transmission,” pahayag ni Fernando.
Nilinaw naman ng mambabatas na ang mga kumpirmadong asymptomatic at mild cases lamang ang dapat ilagay sa classroom quarantine facility at ang mga malulubha ay dapat nang dalhin sa mga ospital.
Kanyang ipinaliwanag na batay sa pag-aaral ng South Korea epidemiologists, mas mabilis umanong magkahawahan sa virus kung mananatili pa rin sa kanyang tahanan ang isang tao na positibo sa virus kahit wala itong sintomas.
Aminado naman ang kongresista na marami rin ang takot na manatili sa quarantine facility sa paniniwalang lalo lamang lalala ang kanilang kondisyon.
“The people are afraid to go to these facilities. So they would rather choose to stay in their homes, putting their families at risk of infection. We have to allay the fear of the patients while at the same time protect the wellbeing of their families,” idinagdag pa ng kongresista.
Ipinaliwanag pa niya na ang standard na 63 square meter classroom ay may sapat na bentilasyon, liwanag at iba pang amenities kumpara sa isang siksikang bahay.
“We have around one million classrooms across the country and these are located in the communities. I believe that most of our classrooms are equipped with electric fans especially in cities where Covid19 is prevalent. Many classrooms have toilets but for those who have none, the occupants could use arinola or bed pan instead,” giit ni Fernando.
Sa tala ng Department of Education ay nasa 141,845 ang mga bagong classroom na naitayo mula 2010 hanggang Marso 2019 at nasa 116,438 ang mga dating classroom na nakumpuni at naisaayos na.