Nation

CHIZ SA DEPED: LGUs HAYAANG MAGDESISYON SA F2F CLASSES

/ 30 April 2021

UMAPELA si dating Senador at ngayo’y Sorsogon Gov. Francis ‘Chiz’ Escudero sa Department of Education na ipaubaya sa mga lokal na pamahalaan ang desisyon para sa pagpapatupad ng face-to-face classes.

Ayon kay Escudero, dapat lamang maglabas ng mga patakaran ang ahensiya, gayundin ang Inter-Agency Task Force, na susundin ng mga lokal na pamahalaan para sa pagsasagawa ng face-to-face classes.

Ikinatuwiran ng gobernador na may mga lugar na nananatiling Covid-free kaya maaaring makapagsagawa ng face-to-face classes lalo na’t hirap din sa distance learning bunsod ng kawalan ng gadget at internet connection.

“I hope that DepEd will consider delegating, subject to certain guidelines,  to LGUs the decision on resumption of face-to-face classes. For example, in Sorsogon, 55 percent of our Barangays have been Covid-free since the start of the pandemic,” pahayag ni Escudero.

Nauna na ring nanawagan ang ilang mambabatas para sa pagsasagawa ng pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa o walang naitalang kaso ng Covid19.

Iginiit din ni Senadora Imee Marcos na buhayin ang local school boards upang silang mag-aral sa sistemang ipatutupad sa gitna na rin ng Covid19 crisis.