CHILDREN’S PICTURE BOOKS NG 3 BATIKANG MANUNULAT TAMPOK SA TALAYTAYAN, THE POST WEBINAR
PARA sa unang serye ng panel discussions at lecture-webinars, itinampok ng 170+ Talaytayan MLE, Inc. at ng The Philippine Online Student Tambayan sa 2021 International Mother Language Conference and Festival ang tatlong batikang manunulat ng mga kuwentong pambata sa Filipinas.
Nanguna sa talakayan ang propesor, manunulat, 2020 Komisyon sa Wikang Filipino Mananaysay ng Taon at Carlos Palanca Hall of Famer na si Dr. Eugene Y. Evasco ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Ayon kay Evasco, naiiba ang paraan ng pagsusulat ng mga kuwentong pambata para sa picture book, kung saan tinutukan niya ang paksang ito sa kaniyang maikling panayam. Nagbigay siya ng mga alituntunin sa kung paano sumulat sa nasabing anyo. Binigyang-halaga rin ang pagiging matimpiin ng manunulat (o ng kuwentista) sa pagkukuwento dahil dapat ay nakaatang sa mga ilustrasyon ang pagbibigay ng aral, kaiba sa tradisyonal na mga libro — kaya nga tinawag na ‘picture’ book.
Sinusugan naman ni Dr. Christine Bellen-Ang, propesor ng Pamantasang Ateneo de Manila at dating Direktor ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices, ang paglalarawan ni Evasco sa children’s picture books, lalo pa’t si Bellen-Ang ang may-akda ng serye ng 20 picture books ng muling pagsasalaysay ng Kuwentong Lola Basyang mula 2004 hanggang kasalukuyan.
Ibinigay niyang halimbawa ang natatanging istruktura ng ilan sa kaniyang mga award- winning at bestseller children’s books at iskrip ng dula gaya ng Filemon Mamon, Og Uhog, Kamatayan ng Dinastiya, Mga Kuwento ni Lola Basyang, Batang Rizal, Unang Baboy sa Langit (halaw kay Rene Villanueva), Ang Pitong Gungong, Kules, Mga Kuwentong Hari, at iba pa.
Pampinid naman ng diskusyon ang pagbabahagi ni China Pearl Patria De Vera, mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat mula sa UP Diliman. Bilang isang lisensiyadong guro at manunulat ay nagbigay siya ng mga gabay tungo sa mas mahuhusay na pagkukuwento gamit ang samu’t saring retratong pampicture book.
Ilan sa mga akda ni De Vera ay inilimbag na ng Cultural Center of the Philippines at Aklat Alamid, kung saan siya Senior Editor.
Higit sa sandaang mga manunulat at guro mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang dumalo sa online na talakayan. Maraming interesadong tanong din ang inilatag, diin sa usapin ng paggamit ng wika o ang pagiging multilingguwal ng mga librong pambata.
Sina Evasco, Bellen-Ang, at De Vera ay sinundan ng ‘Bloom Workshop for Making Small Books’ hatid ni Manuel Tamayo, Assistant Director at Library and Archives Manager ng Summer Institute of Linguistics Philippines.
‘Small books’ ang pokus ng workshop, halos katulad ng naunang bahaginan. Subalit bilang isang librarian, sa halip na pagsusulat ay tinuunan niya ng pansin ang konseptong ‘bloom’ sa paggawa o pagpoprodyus ng mga libro.
Ginamit na panimulang lunsaran ni Tamayo ang mga aklat pambata bago siya dumako sa mas malaking dominyo ng small books. Malalim at mayroong pagkateknikal ang talakayan na umabot ng walong sesyon.
Nagpapasalamat ang mga dumalo sa panel discussion sapagkat magagamit nila ang mga bagong kaalaman sa pagsasaayos ng mga aklatang pangmag-aaral at mapaghuhusay rin nila ang mga sarili sa pananaliksik at pagpapayabong ang panitikang Filipino.
Una pa lamang ito sa serye ng IMLCF 2021 na magpapatuloy hanggang Marso 20. Higit 40 panel presentations ang inaabangan ng mga kalahok, kasama ang palihang pasisimunuan ng Executive Director ng The POST na si Prop. Eros Atalia.
Katuwang ng Talaytayan at ng The POST ang University of Fukui, University of the Philippines Mindanao, Philippine Normal University, University of Santo Tomas Graduate School, Nakem Conferences, Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology, Benguet State University, Lyceum of the Philippines University, Magbikol Kita, at Mariano Marcos State University for Iloko and Amianan Studies sa IMLCF.