CHILD WELFARE CENTER IPINATATAYO SA BAWAT BAYAN, LUNGSOD
ISINUSULONG ni Camarines Norte 2nd District Rep. Marisol Panotes ang panukala para sa pagtatayo ng Child Welfare Center sa bawat bayan o lungsod sa bansa.
Sa kanyang House Bill 4253, sinabi ni Panotes na panahon na upang bigyang pansin ng gobyerno ang pagbibigay ng proteksiyon sa interes at kapakanan ng kabataan.
Ipinaliwanag ng kongresista na bukod sa problema sa drug addiction, dumarami na rin ang kabataan na nakikitang inaabandona sa mga kalsada, partikular sa Metro Manila.
“It is worthy to mention that the child is one of the most important assets of the nation. Every effort should be exerted to promote his welfare and enhance his opportunities for a useful and happy life,” pahayag ni Panotes sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag pa ng kongresista na mahalaga ang papel ng komunidad sa maayos na paglaki ng kabataan subalit marami sa mga inabandonang bata ang hindi alam saan magtutungo kung nawawalan na ng pag-asa sa buhay.
Sa panukala, mandato ng Department of Social Welfare and Development na magtayo ng Child Welfare Center sa bawat capital town o lungsod.
Ang Center na ang magsisilbing tahanan ng mga bata na may edad 10 pababa, pagkakalooban din ang mga ito ng pagkain, mga damit at iba pang pangangailangan.
Magiging katuwang ng DSWD sa pagmamantina ng bawat center ang Department of the Interior and Local Government.
Nakasaad din sa panukala na ang pondong kailangan sa pagpapatupad nito ay magmumula sa taunang badyet ng DSWD.